Carmi Martin nabastusan sa eksena: It’s against my Christian faith

Carmi Martin,Roi Paolo Calilong, Rosanna Hwang, Akihiro Blanco at Jaime Fabregas
AMINADO ang veteran actress na si Carmi Martin na may mga project na talagang tinatanggihan niya bilang isang Christian.
Hindi naman daw sa pag-iinarte o pagmamalinis pero may mga kino-consider na siya ngayon sa pagpili ng gagampanang roles sa teleserye at pelikula.
Ayon sa aktres, kapag may mga eksena at dialogue na parang off sa kanya bilang isang Christian, ay marespeto niyang sasabihin sa producer at direktor.
“Katulad nu’n, may ginawa ako sa Japan. Actually, ano ako, Mama San, pero I accepted because nung binasa ko yung script, it’s about mga OFW, these four women, so maganda yung message.
“And siyempre yung role ko, maganda naman siya. Hindi naman yung parang sinasabi na, ‘O, sige, mag-put* ka diyan or something.’
“Yung role is nakakatawa, na parang wala nang pinag-usapan kung hindi yung past niya, kung gaano siya kaganda noon hanggang ngayon and everything,” pahayag ni Carmi sa presscon ng bago niyang pelikula, ang “Isang Komedya sa Langit.”
Pagpapatuloy pa ng aktres na parang hindi tumatanda, “Recently, meron ding na-offer sa aking movie. Maganda rin yung mga kasamang artista. At ang ganda-ganda din sana nu’ng role na gagampanan ko.
“Ako, hindi ko naman idya-judge yung LGBT. Hindi ko idya-judge, kaya lang kasi as a Christian, meron din akong…ano na kasi, parang nagpo-focus na rin ako sa church namin, e, sa online service.
“So, yung ino-offer is about girl-to-girl na script. GL. Meron din akong isa pang pelikula na actually, nandu’n na ako sa shooting.
“But hindi kasi inamin sa akin, kaya I always tell, kapag meron akong kunyari tatanggapin or ino-offer na movie, ‘Tell me na exactly what is my role,’ or I ask for the script.
“Kasi ayoko pong mag-inarte sa shooting. So what happened before, yung nangyari nga, hindi sinabi sa akin exactly.
“Tapos pinipilit ko yung script (nire-request), wala raw script. So I thought parang kay Coco Martin na Ang Probinsyano, na ibibigay (ang script) ora mismo.
“Ang nangyari, pagdating ko du’n, ang bastos nu’ng pinapasabi. (Sabi ko) ‘Ha?! Sasabihin ko ito?!’ ganito-ganyan?!
“And then, yung role ko pala, e, talagang… tapos I’m surrounded with women who are naked walking beside me. Ako lang ang nakadamit.
“So, ang nangyari…yun ang ayoko na uling mangyari. Ginawa ko yung isang eksena, and then nag-back out ako. I said, it’s against my Christian faith,” ang pahayag ni Carmi.
Ang sentimyento pa niya, “Siyempre sa point of view nila, ‘Ay, nag-inarte pa! Sayang yung ginastos and everything.’ Ayoko nu’ng ganu’n!”
“Kasi, naiintindihan ko rin na may budget ang bawat pelikula. Kaya sinasabi ko from the start, ‘Be honest kung ano yung role na ibibigay mo sa akin,’” paliwanang pa ng veteran star.
Samantala, proud na proud naman si Carmi sa bago niyang pelikula, ang historical-comedy fiction na “Isang Komedya sa Langit” mula sa Kapitana Entertainment Media na pag-aari ni Rosanna Hwang.
Ito ay isang period movie sa panahon ng mga Kastila noong 1872. Kuwento ito ng tatlong pari na nag-time travel sa taong 2024. Mula ito sa direksyon ni Roi Paolo Calilong na isa ring theater actor at assistant director.
Sabi ni Rossana, “I want my story to be told to everyone. I’m very, very grateful to director Roi, as well as the lead cast, Carmi Martin and Jaime Fabregas.
Kasama rin sa “Isang Komedya sa Langit” sina Jaime Fabregas as Father Emmanuel Garcia, Edgar Allan Guzman bilang si Father Juan Borromeo, Gene Padilla sa karakter na Father Javier Salas at John Medina bilang si Father Paolo Pascual. Si Akihiro Blanco ay kapatid ni Brother Marco.
Sabi ni Direk Roi, sana raw ay magustuhan ito ng manonood dahil kakaibang comedy naman ang ihahain nila sa Pinoy viewers.
“Nothing was difficult to combine comedy, faith and love for country. We are like that as Filipinos, even if we have different religions or provinces, we are always a happy bunch. Always grateful,” ani Direk Roi.
Mapapanood na ang “Isang Komedya sa Langit” simula sa May 28 sa selected SM cinemas. Binigyan ito ng PG rating ng MTRCB kaya pwedeng-pwede sa buong pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.