Kiko Pangilinan nakakuha ng matinding suporta mula sa Cavite at Cebu
Eleksyon 2025 - Bandera May 10, 2025 - 08:06 PM
SENATORIAL candidate at dating kalihim ng agrikultura na si Francis “Kiko” Pangilinan ay patuloy na lumalakas sa darating na halalan sa 2025 matapos makuha ang suporta mula sa dalawang makapangyarihang lalawigan sa bansa—ang Cebu at Cavite.
Inendorso siya ni Cebu Governor Gwen Garcia, pagkatapos niyan ay opisyal namang ibinandera ang suporta ni Francisco Gabriel “Abeng” Remulla, kandidato sa pagka-gobernador ng Cavite, noong Biyernes, May 9, sa isang kampanya sa lalawigan.
Ang naturang pagtitipon, na dinaluhan ng maraming taga-lalawigan ay naging mahalagang sandali sa muling pagtakbo ni Pangilinan sa Senado, lalo na’t buong pwersa ng pamilyang Remulla, na matagal nang may impluwensiya sa pulitika ng Cavite, ay hayagang nagpakita ng suporta sa kanya.
“Ako po ay humihingi ulit ng inyong tulong para mailuklok muli upang maipagpatuloy natin ang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda,” pahayag ni Pangilinan sa kanyang talumpati, kung saan binigyang-diin niya ang kanyang matagal nang adbokasiya para sa sektor ng agrikultura.
Baka Bet Mo: Vice Ganda inendorso sina Kiko Pangilinan, Bam Aquino: Ibalik sa senado
Ipinahayag din niya ang kanyang koneksyon sa Cavite bilang residente ng Silang at nangakong magbibigay ng mabilis at naaangkop na tugon sa mga pangangailangan ng lalawigan.
Matapos ang kanyang pananalita, sina Remulla, Ram Revilla na tumatakbo bilang bise-gobernador, at iba pang lokal na opisyal ay sabay-sabay na itinaas ang kamay ni Pangilinan bilang pagpapakita ng kanilang suporta at pagkakaisa.
Ang magkasunod na pag-endorso mula sa Cebu at Cavite, na may kabuuang higit 5.8 milyong rehistradong botante, ay nagpapakita ng lumalawak na suporta sa kampanya ni Pangilinan na tumatakbo bilang independiyente.
Ang dalawang lalawigang ito ay kinikilalang mahalaga sa magiging resulta ng halalan.
Itinataguyod ni Pangilinan ang pamahalaang bukas sa lahat at nakatuon sa kapakanan ng mamamayan.
Ang sunod-sunod na pag-endorso sa kanya ay nagpapakita hindi lamang ng tumitibay na suporta kundi ng lumalawak na tiwala sa kanyang kakayahang pag-isahin ang iba’t ibang sektor at rehiyon tungo sa iisang layunin para sa kaunlaran ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.