Isko inisip ang milyon-milyong Manilenyo kaya nangutang noong pandemya
Eleksyon 2025 - Bandera May 09, 2025 - 10:24 AM

PHOTO: Facebook/Isko Moreno Domagoso
ANG pag-utang ng bilyong-bilyong piso at pagbebenta ng ilang ari-arian ng pamahalaang-lungsod ang ibinabato kay dating Mayor Isko Moreno Domagoso simula pa nang isapubliko niya ang balak na pamunuan muli ang Maynila.
Hindi ito itinanggi ni Isko at katwiran niya, sumisigla na ng husto ang lungsod nang tumama ang pandemya dulot ng Covid-19 ilang buwan pa lamang siya sa puwesto noong 2020.
Paliwanag niya, bilang ama ng lungsod dumiskarte ay gumawa lamang siya ng paraan upang hindi mamatay sa Covid-19 at magdusa sa matinding gutom ang dalawang milyong Manilenyo.
Baka Bet Mo: Isko Moreno nanawagan ng buong suporta para sa kanyang mga Kandidato sa Maynila
Diin niya, hindi rin natigil ang pagbibigay edukasyon sa mga batang Maynila dahil binigyan niya ang mga ito ng computer tablets na may kasamang internet load at computer laptops naman sa mga guro para sa “online classes.”
Wala din nagutom, aniya, sa kanyang mga kalungsod dahil lahat ng pamilya, mahirap man o mayaman, ay regular na tumanggap ng family food packs.
Ipinagmalaki din ng dating alkalde na ang Maynila ang unang nakapagpatayo ng sariling isolation facility sa harap ng Quirino Grandstand at kabilang sa mga lokal na pamahalaan na nakabili ng anti-Covid 19 vaccines, bukod pa sa nakapag-imbak sila ng oxygen tanks at mga gamot na nakatulong sa paggaling sa nakakamatay na sakit.
Ayon kay Isko, ang lahat ay ginawa niya mairaos lamang ang lungsod at mga Manilenyo sa kasagsagan ng pandemya kahit bilyong-bilyong piso ang ginastos ng kanyang administrasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.