Camille Villar isinusulong ang ‘mental health’ sa pagtatapos ng kampanya
Eleksyon 2025 - Bandera May 08, 2025 - 05:01 PM
ILANG araw bago ang halalan sa May 12, lalong pinaigting ni senatorial candidate Camille Villar ang kanyang panawagan para sa mas malawak na pagkilala at suporta sa mental health, na itinuturing niyang mahalagang bahagi ng kalusugan ng publiko at isa sa pangunahing adbokasiya ng kanyang kampanya.
“OK lang na hindi OK,” sey ni Villar, na nanawagan sa mga Pilipino na harapin at pag-usapan ang mga hamon sa mental health, lalo na sa gitna ng stress sa trabaho at personal na buhay.
Dagdag pa niya, “Ang mental health ay kalusugan rin.”
Sa isang campaign event, binigyang-diin ng millennial na kandidata ang kahalagahan ng bukas na pag-uusap tungkol sa mental health at ang pagwawaksi ng stigma na kaakibat nito.
Baka Bet Mo: Maxene sa paglaban sa mental health problem: It’s OK not to be OK…
“Isang totoong isyu ito na nakakaapekto sa lahat, anuman ang edad. Hindi ito dapat ikahiya,” wike ni Villar.
Nanawagan din siya sa PhilHealth na palawakin ang sakop ng kanilang benepisyo upang maisama ang mas komprehensibong mental health services para sa mga nangangailangan ng tulong o counseling.
Sa paggunita ng Mental Health Awareness Month ngayong Mayo, muling ipinaalala ni Villar na ang kalusugang pangkaisipan ay kasinghalaga ng pisikal na kalusugan.
“Ang mental health ay isang batayang pangangailangan. Karapatan ng bawat Pilipino ang tamang suporta at pag-unawa,” sambit niya.
Bilang patunay ng kanyang malasakit, binanggit ni Villar ang kanyang inihaing House Bill No. 10933 o ang “Teacher’s Mental Health and Wellness Act,” na naglalayong magbigay ng sistematikong suporta sa mental at emosyonal na kalagayan ng mga guro.
“Ang mga guro ang humuhubog sa kinabukasan ng ating bansa. Dapat nating tiyakin na sila rin ay may sapat na suporta sa kanilang kalusugan pangkaisipan, dahil direktang naaapektuhan nito ang kalidad ng edukasyon,” paliwanag niya.
Habang papalapit ang araw ng halalan, patuloy ang panawagan ni Camille Villar para sa isang pamahalaang may malasakit at handang tumugon sa mga suliraning pangkaisipan ng bawat Pilipino.
“Hindi ka nag-iisa. Nandito tayo para sa isa’t isa,” pagtatapos niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.