Willie Revillame bad trip nga ba habang nagmo-motorcade sa kampanya?

Willie Revillame
PINAGPIPIYESTAHAN ngayon sa social media ang senatorial candidate na si Willie Revillame dahil sa ginanap na motorcade nito kamakailan ay nakitaan umano siya ng pagsusungit.
Sa reels na ibinahagi ng isang netizen ay makikitang namimigay ng jacket ang TV host kaya maraming sumusunod sa sinasakyan niya pero imbes na bigyan ay tila pinagsabihan pa niya ang mga ito.
Kitang-kita rin sa video ang expression ng mukha niya na nakasimangot imbes daw ngumiti dahil siya naman ang humihingi ng suporta sa taumbayan.
Ang caption ng netizen na nagbahagi ng video ay, “HB (highblood) si Koya Will mukang hindi niya gusto ginagawa niya.”
Ang sumunod na ginawa ni Willie ay tila ibinato niya ang jacket sa tao.
Sabi pa ng netizen, “Pag hindi bukal sa loob mo ang pagtulong kita ‘yan sa kilos at gawa mo, last resort mo na kaso ang politika para makabawi ka sa lugi mo.”
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa 19,300 likes, 5,900 comments at 9,600 shares ang video and still counting.
Isa na ang content creator na si Ogie Diaz sa nagre-post ng video na ito sa kanyang Facebook account at sabay payo. Hindi man niya pinangalanan, obvious namang si Willie ang kanyang tinutukoy.
Ang caption ni Ogie, “Dapat aware ang kandidato sa kanyang behavior pag nangangampanya, lalo na’t ang daming nakatutok na camera sa ‘yo.
“Hindi dapat pinapairal ang init ng ulo. Alam naman nating mainit na ang panahon, kaya pasensiya ang dapat pahabain.
“Paano tayo iboboto n’yan kung nakakalimutan nating ngumiti man lang kahit hindi na magbigay ng jacket?
“Hindi naman porke laging nagagalit sa harap ng kamera o pinapagalitan ang mga staff o co-hosts on air eh tatanggapin din ng mga tao ‘yung ganu’n ding pag-uugali sa panahon ng kampanya.
“Lagi nating iisipin na nanliligaw tayo ng botante para iboto tayo at ipanalo. Pass na muna sa, ‘Eh sa ganito ugali ko, eh. Nagpapakatotoo lang ako.’
“Jacket lang ang ipinamimigay, hindi naman titulo ng house and lot. So hindi dapat ganyan ang attitude.”
Pero mukhang dedma naman ang mga nanghihingi ng jacket kung mainit ang ulo ni Willie dahil isinisigaw pa rin ng mga ito ang kanyang pangalan.
Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ni Willie hinggil sa isyung ito dahil baka may magandang paliwanag naman ang TV host.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.