Gina Alajar, Laurice Guillen tagos ang pa-tribute kay Ate Guy sa ‘Faney’

Nora Aunor, Adolf Alix Jr., Gina Alajar, Laurice Guillen, Althea Ablan, Ina Felek, Bembol Roco at RS Francisco
ISA kami sa nabigyan ng chance na mapanood ang tribute film para sa namayapang Superstar na si Nora Aunor, ang “FANEY” mula sa direksyon ni Adolf Alix, Jr..
Nangyari ang special celebrity screening ng pelikula kagabi, May 21, sa Cinema 11 ng Gateway 2 sa Cubao, Quezon City, na dinaluhan ng ilang cast members at mga kapamilya at kaibigan ni Ate Guy.
Siyempre, dumating din ang iba’t ibang grupo ng mga Noranians sa event kabilang na ang mga kapwa niya senior citizen, kung saan ang ilan nga sa kanila ay naging bahagi pa ng pelikula.
In fairness, kahit wala na ang National Artist for Film and Broadcast, buhay na buhay pa rin ang kanyang alaala sa nangyaring pa-tribute sa kanya sa pamamagitan ng “FANEY” na pinagbibidahan ng veteran actress-director na si Laurice Guillen.
Wala si Direk Laurice kagabi dahil may prior commitment daw kaya ang naging representative niya ay ang kanyang anak na aktres na si Ina Feleo.
Present din sa event ang executive producers ng movie na sina RS Francisco, Sam Verzosa, Atty. Aldwin Alegre, and Cecille Bravo.
Dumating din ang dalawang anak ni Ate Guy na si Ian de Leon with his wife and sons at si Kenneth de Leon na nag-thank you din sa lahat ng supporters ng kanyang ina. May special participation din pala si Ian sa movie as himself.
View this post on Instagram
Nagpasalamat din ang cast members ng “FANEY” sa lahat ng Noranians at press people na sumuporta sa pelikula sa pangunguna nina Gina Alajar, Althea Ablan, Bembol Rocol, at P-Pop group na Bilib.
Bago magsimula ang screening ng pelikula, binasa muna ni Ina ang mensahe ng ina, “Gusto kong batiin si Nora sa araw ng kanyang kaarawan. Wala akong experience sa pagiging ‘faney.’
“May mga hinahangaan akong mga tao pero may hangganan ang aking paghanga hindi tulad sa inyo na marami ang mga sakripisyo para maipakita ang pagmamahal at paghanga kay Guy.
“Sa mga kuwento nila, unti-unti kong nalaman at naunawaan ang special charisma ni Guy, at kung bakit ganyan kahigpit ang koneksyon ng kanyang fans sa kanya. Nagpapasalamat ako sa kanila,” bahagi ng message ni Direk Laurice.
May inihanda namang tula si Direk Gina kung saan inilarawan niya si Ate Guy bilang “alagad ng katotohanan, tapang, at giting.”
“Isang tagapagsalaysay ng ating kuwento. Sa kanya, tayo ay naging totoo. Tahimik na ngayon ngunit hindi siya nawala sapagkat ang kanyang liwanag sa Langit ay sumiklab.
“Hindi siya nagpaalam, at naging bahagi ng ating alaala,” aniya pa.
Umiikot ang kuwento ng “FANEY” sa pagiging diehard Noranian na si Milagros na ginagampanan ni Direk Laurice. Magsisimula ang istorya niya sa pagpanaw ng Superstar.
In fairness, ang gagaling lahat ng cast. Nakakaiyak, nakakatawa at nakaka-inspire ang pelikula at sigurado kaming magre-react din dito ang mga Vilmanians.
Kaya nga ang disclaimer ni Direk Adolf at ni Direk Gina, trabaho lang ang ginawa nila bilang pa-tribute kay Ate Guy kaya walang personalan.
To be announced pa kung kailan ipalalabas ang “FANEY” sa mga sinehan. Promise, sure na sure kami na matutuwa at maiiyak ang mga Noranians sa movie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.