Diwata inokray matapos matalo sa eleksyon: Eh, ano naman ngayon!?

Diwata
BUMUWELTA ang social media personality na si Diwata sa mga basher na tila tuwang-tuwa pa na hindi nanalo ang Vendors party-list sa nagdaang eleksyon.
Inaasar at inookray kasi si Diwata o Deo Balbuena sa tunay na buhay, ng mga netizens dahil hindi nakapasok ang naturang partylist sa mga nagwagi kung saan isa siya sa mga naging nominee.
Sa isang Facebook Live ay nagsalita nga ang viral paresan owner tungkol sa pagkabigo ng kanilang grupo na makakuha ng pwesto sa kongreso.
“‘Talo ka Diwata,’ eh ano naman ngayon?” simulang pahayag ni Diwata sa mga basher.
Katwiran niya, “Ganu’n naman talaga, hindi naman lahat panalo, may talo, ibig sabihin hindi para sa amin ‘yong ano… meron para sa amin. Ganu’n lang ‘yun, relax lang, chill-chill lang!”
Pagpapatuloy pa niya, “Ganoon pa man, maraming salamat pa rin sa mga sumuporta, ganu’n talaga ang laban, hindi lahat ay pinapalad na manalo. Mayroon talagang natatalo…tanggap namin ‘yun.”
Inamin naman ni Diwata na totoong may panghihinayang sa kanilang pagkatalo, pero ipinagdiinan niya na hindi sa eleksyon natatapos ang layunin nilang lumaban para sa karapatan ng mga vendor at maliliit na negosyante sa bansa.
“Tanggap namin ang resulta. Pero kahit hindi kami nanalo, hindi doon natatapos ang pagtulong. Sa tindahan man o sa labas nito, tuloy ang serbisyo para sa mga vendor na kagaya ko,” aniya pa.
Samantala, naiproklama na nga kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang 53 partylist groups na nakakuha ng pinakamaraming boto sa katatapos na midterm elections.
Pero ang bilang sa House of Representatives ay nakadepende pa rin sa magiging final decision ng Comelec.
Ito kasi ay naka-basedsa 2009 Supreme Court ruling, pati na rin sa mga desisyon sa disqualification case na hanggang ngayon ay hinihintay pa.
Naganap ang proklamasyon kahapon, May 19, at batay sa national certificate of canvass, nanguna ang Akbayan party-list na may 2,779,621 boto o katumbas ng 6.63% ng kabuuang 41,658,790 na boto para sa party-lists.
Muling bumangon ang Akbayan matapos itong mabigong makakuha ng puwesto sa Kongreso noong 2019 at 2022 elections.
Maliban sa sa kanila, ang Duterte Youth (2,338,564 boto o 5.57%) at Tingog (1,822,708 boto o 4.34%) ay inaasahang makakakuha rin ng maximum na tatlong pwesto bawat isa.
Gayunpaman, hindi pa tiyak ang upuan para sa Duterte Youth dahil sa isang pending na kaso na inihain pa noong 2019.
Ayon sa petisyon, dapat daw ay ideklarang walang bisa ang kanilang registration dahil inaprubahan ito ng Comelec en banc nang walang tamang publication at hearing, na labag sa Party-List System Act of 1995 (Republic Act No. 7941).
Samantala, kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na dalawang party-list ang hindi muna isinama sa proklamasyon dahil sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
“We have two party-lists who will not be proclaimed, the National Board of Canvassers suspended their proclamation because of their pending cases,” sey ni Garcia sa isang press conference.
Sa kabuuan, aabot sa 50 iba pang party-list ang inaasahang magkakaroon ng pwesto sa ika-20 Kongreso ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.