Bea Alonzo nakiramay sa pagpanaw ni Lolit Solis, nagpadala ng bulaklak

MARAMING natuwa nang malaman nilang nakiramay din ang Kapuso star na si Bea Alonzo sa pagpanaw ng talent manager at host na si Lolit Solis.
Alam naman ng lahat na nagkaroon ng isyu noon sina Bea at Manay Lolit pero nagkabati nga sila nang magkita sa birthday celebration ng Beautederm President and CEO na si Rei Tan.
Hindi personal na dumalaw sa burol ni Manay Lolit sa Aeternitas Chapels and Columbarium sa Quezon City pero nagpadala ito ng bulaklak bilang pakikiramay sa naulilang pamilya ng namayapang talent manager.
Nag-ugat ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan nina Manay Lolit at Bea dahil sa isang presscon na diumano’y pinaalis ang pangalan ng talent manager sa guest list.
Nang magtungo kami sa lamay ni Manay ay may nakita kaming mga nakiramay din na pinipiktyuran ang bulaklak na ipinadala ni Bea kaya sure kami na kalat na ito sa social media.
Hanggang sa last night ng wake ni Manay Lolit kahapon, July 8, ay dagsa pa rin ang mga dumadalaw, kabilang na riyan sina Dingdong Dantes, Paolo Contis, Ice Seguerra, Liza Diño, Yasmien Kurdi, Tirso Cruz III at marami pang iba.
Naganap din ang cremation sa labi ni Manay Lolit kahapon at ngayong araw ay nakatakdang ihatid ang kanyang abo sa Holy Cross Cemetery.
Hinintay muna ang dalawa niyang anak na sina Sneezy at Sloopy na umuwi ng Pilipinas galing Amerika bago isinagawa ang cremation kaya ilang araw din siyang ibinurol.
Abot-langit naman ang pasasalamat ni Sneezy sa lahat ng nagmamahal at nakiramay sa pagpanaw ng kanyang ina lalo na sa mga alaga nito at mga kasamahan sa panulat.
“Thank you dahil lagi niyong kasama si Mommy na hindi ko magawa kasi nasa abroad ako. Thank you dahil na-show niyo ‘yung love niyo,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.