Isko Moreno nanawagan ng buong suporta para sa kanyang mga Kandidato sa Maynila

Isko Moreno nanawagan ng buong suporta para sa kanyang mga Kandidato sa Maynila

NANAWAGAN si dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng buong suporta mula sa mga Manileño sa kanyang muling pagtakbo bilang alkalde ng lungsod.

Kasabay nito ang panawagan na suportahan ang kabuuan ng kanyang slate ng mga kandidato sa darating na halalan.

Sa isang video na ibinahagi sa kanyang opisyal na Facebook page, binigyang-diin ni Moreno ang kahalagahan ng pagkakaisa upang maisakatuparan ang layunin na muling ibangon ang Maynila. Hinihikayat niya ang publiko na huwag paghiwa-hiwalayin ang mga kandidato ng tinatawag niyang “Yorme’s Choice,” na binubuo ng mga tumatakbo para sa posisyong mayor, vice mayor, anim na kinatawan ng distrito, at mga miyembro ng konseho.

“Hindi ko po kaya mag-isa. Kailangan ko po ng mga makakatuwang at makakasama para ibangon muli ang Maynila,” pahayag ni Moreno. “Makikisuyo po ako, huwag na po nating paghiwa-hiwalayin ang Yorme’s Choice — mula mayor, vice mayor, anim na kongresista, at mga konsehal. Kumpletos rekados na po iyan. Magkaisa po tayo muli para sa mas mabilis na pag-unlad ng ating lungsod.”

Baka Bet Mo: Eleksyon hugot ni Aiko: Hindi natin kailangang magbatuhan ng putik…respeto lang

Ang mensahe ay sinamahan ng caption na, “Sama-sama nating muling ayusin ang Maynila!”

Sa naturang video, inilahad din ni Moreno ang ilan sa mga programang naisakatuparan noong panahon ng kanyang panunungkulan mula 2019 hanggang 2022. Kabilang dito ang rehabilitasyon ng mga pangunahing pampublikong lugar tulad ng Divisoria, Lagusnilad Underpass, Taft Avenue, at Kalaw Street.

Ipinakita rin ang pagpapatayo ng mga programang pabahay gaya ng Tondominium at Binondominium, at ang pagtatayo ng mga modernong paaralan na may 10 palapag at full air-conditioning, kabilang ang Manila Science High School at Rosauro Almario Elementary School.

Sa gitna ng COVID-19 pandemic, nagtayo ang lungsod ng Manila COVID-19 Field Hospital, nagsagawa ng 24/7 testing at vaccination drives, at nagpaabot ng food boxes sa mahigit 700,000 pamilya.

Bukod dito, pinalawak ang mga serbisyong panlipunan para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga estudyante. Isa rin sa mga inilahad na proyekto ang pagtatayo ng kauna-unahang Islamic cemetery sa lungsod upang tugunan ang pangangailangan ng Muslim community.

Sa pagtatapos ng video, nag-iwan si Moreno ng mensahe ukol sa kahandaan ng kanyang grupo na harapin ang mga hamon at magpatuloy sa serbisyo.

“Kapag kami ay nabigo, babangon kami agad. Kapag kami ay nagtagumpay, mag-iinnovate kami, lalayo ang mararating namin, at mas marami pa ang maaabot. Walang maiiwan,” aniya.

Sa nalalapit na halalan, nananawagan si Moreno sa mga botante ng Maynila na isaalang-alang ang kanyang buong slate ng mga kandidato.

Read more...
OSZAR »